Wednesday, March 21, 2012

Ipinagmamalaki ko na ako'y isang Pilipino!


Layunin:
             1. Malalaman ang iba't ibang bahagi at lugar sa Pilipinas
             2. Mababatid ang kasaysayan ng Pilipinas, at
             3. Makikilala ang mga Pilipinong nagbigay parangal sa bansang Pilipinas




     Halika't alamin natin ang lugar, kultura at kasaysayan ng Pilipinas...




Mga rehiyon at lalawigan ng Pilipinas

Pangunahing lathalain: Rehiyon ng Pilipinas at Lalawigan ng Pilipinas
Ang Pilipinas ay nahahati sa mga pangkat ng pamahalaang lokal (local government units o LGU). Ang mga lalawigan o probinsya ang prinsipal na pangkat. Hanggang 2002, mayroong 79 na lalawigan sa bansa. Ang mga ito ay nahahati pa sa mga lungsod (lungsod) at bayan (munisipalidad), na binubuo ng mga barangay. Ang barangay ang pinakamaliit na pangkat lokal ng pamahalaan. Ang lahat ng mga probinsya ay nalulupon sa 17 rehiyon para sa kadaliang administratibo. Karamihan sa mga ahensya ng pamahalaan ay nagtatayo ng opisinang rehiyonal para magsilbi sa mga lalawigang saklaw nito. Subalit, ang mga rehiyon sa Pilipinas ay walang bukod na pamahalaang lokal, maliban sa Muslim Mindanao at Cordillera, na autonomous.
Tumungo sa mga artikulo ng mga rehiyon at mga lalawigan para makita ang mas malaking mapa ng mga lokasyon ng mga rehiyon at lalawigan.

Mga Rehiyon
Luzon
Ilocos (Rehiyon I)
Lambak ng Cagayan (Rehiyon II)
Gitnang Luzon (Rehiyon III)
CALABARZON (Rehiyon IV-A) 
MIMAROPA (Rehiyon IV-B) 
Bicol (Rehiyon V)
Cordillera Administrative Region (CAR)
National Capital Region (NCR) (Kalakhang Maynila)
Visayas
Kanlurang Visayas (Rehiyon VI)
Gitnang Visayas (Rehiyon VII)
Silangang Visayas (Rehiyon VIII)
Mindanao
Tangway ng Zamboanga (Rehiyon IX)
Hilagang Mindanao (Rehiyon X)
Rehiyon ng Davao (Rehiyon XI)
SOCCSKSARGEN (Rehiyon XII) 
Caraga (Rehiyon XIII)
Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM)
Ang mga pangalan ay nasa malalaking titik sapagkat ang mga ito ay akronym na naglalaman ng mga pangalan ng sinasakupang lalawigan at o lungsod. 

Ang Pilipinas ay isang kapuluan. Binubuo ng maraming mga pulo ang isang kapuluan. Binubuo ang bansang ito ng 7,107 na mga pulo, kung saan 7 ay tinaguriang mga 'Pangunahing Pulo'. May kabuuang sukat ang lupa nito na 300,000 km². Ang mga isla ay karaniwang nahahati sa tatlong grupo: Luzon (Rehiyon I hanggang V + NCR at CAR), Visayas (VI hanggang VIII), at Mindanao (IX hanggang XIII + ARMM). Ang abalang daungan ng Maynila, sa Luzon, ay ang kabisera ng bansa at ang pangalawang-pinakamalaking lungsod pagkatapos ng Lungsod Quezon. Ang pitong 'Pangunahing Pulo' sa bansa ay ang mga Isla ng Luzon, Mindanao, Palawan, Panay, Cebu, Samar at Bohol.
Ang lokal na klima ay mainit, maalinsangan, at tropikal. Ang kalimitang taunang temperatura ay nasa 26.5° Sentigrado. May tatlong panahon sa Pilipinas na pangkalahatang kinikilala ng mga Pilipino. Ito ay ang Tag-init o Tag-araw (mainit na panahon mula Marso hanggang Mayo), ang Tag-ulan (maulan na panahon mula Hunyo hanggang Nobyembre), at ang Taglamig (malamig na panahon mula Disyembre hanggang Pebrero).
Karamihan sa mga pulong mabundok ay dating natatakpan ng tropikal na kagubatan at itong mga islang ito ay nagmula sa bulkan. Ang pinakamataas na tuktok ay ang Bundok Apo sa Mindanao na may taas na 2,954 m. Maraming aktibong bulkan sa bansa tulad ng Bulkang Pinatubo at Bulkang Mayon. Ang bansa din ay nasa tinatawag na "typhoon belt" ng Kanlurang Pasipiko at ito ay tinatamaan ng mga 19 na bagyo bawat taon.
Ang Pilipinas ay napapaloob rin sa tinatawag na Ring of Fire na isa sa pinaka-aktibong fault areas sa buong mundo.



Kultura ng Pilipinas

Sa buong kasaysayan ng Pilipinas, walang ni isang tanging pambansang identitad pangkultura ang nahubog. Sa isang bahagi, ito ay dahil marahil sa napakaraming wikang ginagamit sa buong kapuluan na tinatantiyang nasa 80, bukod pa sa mga dialekto nito. Ang pagkakabukod-bukod ng mga magkakaratig na barangay o mga pulo ay nakadagdag din sa pagkawalang pagkakaisa sa identidad.
Sa pagdating ng mga Kastila, tumawag ang mga misyonerong Katoliko ng mga katutubo para maging tagasalin, nakapaglikha ng bilingguwal na uri, ang mga Ladinos. Ang mga ito, tulad ng tanyag na makatang si Gaspar Aquino de Belen, ay lumikha ng mga tula ng kabanalan na sinulat sa titik Romano, kalimitan sa wikang Tagalog. Ang pasyon ay isang pagsasalaysay ng simbuyo, pagkamatay at muling pagkabuhay ni Hesukristo na sinimulan ni Gaspar Aquino de Belen. Umusbong din ang mga panitikang sekular (hindi-relihiyoso) na binase sa mga korido, mga baladang Kastila ng kabalyero. Ang mga salaysay na berso, o ang komedya, ay ginanap sa mga wikang pang-rehiyon para sa mga analfabetong mayoriya (di nakakabasa o nakakasulat). Nasulat din ang mga ito sa alpabetong Romano ng mga prinsipal na wika at kumalat.
Sa karagdagan, ang literatura o panitikang klasikal (Jose Rizal, Pedro Paterno at mga dokumento ng kasaysayan (pambansang awit, Constitución Política de Malolos), ay naisulat sa Espanyol, na hindi na opisyal na wika ngayon. Ang mga manunulat na Pilipino, tulad ni Claro M. Recto ay nagpatuloy sa pagsusulat sa wikang Espanyol hanggang 1946.
Ang Pilipinas ay bayan ng maraming bayani. Sinasabing si Lapu-Lapu ng isla ng Mactan ang unang pumigil sa agresyong kanluranin at ang pumatay kay Fernando Magallanes. Si Jose Rizal (ipinanganak noong ika-19 ng Hunyo, 1896 sa bayan ng Calamba, Laguna), ipinagmamalaki ng Lahing Malay, Pambansang Bayani ng Pilipinas, sinaulo ang 22 mga wika: Arabe, Katalan, Tsino, Ingles, Pranses, Aleman, Griyego, Ebreo, Italyano, Hapones, Latin, Malay, Portuges, Ruso, Sanskrito, Espanyol, Tagalog at iba pang katutubong diyalekto; siya ay naging isang arkitekto, artista, negosyante, karikaturista, guro, ekonomista, etnolohista, siyentipikong magsasaka, historiador, imbentor, peryodista, dalubhasa sa wika, musikero, mitolohista, nasyonalista, naturalista, nobelista, siruhano sa mata, makata, propagandista, sikologo, syentipiko, manlililok, sosyolohista, at teolohiko. Ang unang Asyatikong Kalihim-Heneral ng Asamblea Heneral ng Mga nagkakaisang Bansa (UN) ay isang Pilipino - si Carlos Peña Romulo.
Itinuturing na Pandaigdigang Pook na Pamana (World Heritage Sites) ang mga Barokeng Simbahan ng Pilipinas at ang Makasaysayang Bayan ng Vigan. Kabilang sana dito ang Intramuros ngunit nawasak ito matapos and Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Isa ring Pandaigdigang Pook na Pamana (World Heritage Site) ang "Hagdang-hagdang Palayan" o Pay-yo ng Cordillera, na kinikilala ring pang-walong nakakahangang-yaman ng mundo





Kasaysayan:

      Ayon sa mga naitalang fossils ng tao sa bansa, maaaring dinayo na ng mga tao ang Pilipinas, ilang libong taon na ang nakalipas. Tumawid sa mga sinaunang tulay na lupa ang mga Negrito o Ita, ang tinatayang kauna-unahang mga nanirahan sa Pilipinas. Sa kalaunan, dumayo sila sa kagubatan ng mga isla. Sa kasalukuyan nang sumapit ang ikalawang milenyo, nanirahan din sa Pilipinas ang iba pang mga migrante mula sa Peninsula ng Malay, kapuluan ng Indonesia, mga taga Indotsina at Taiwan.
Nanirahan sa bansa noong ika-walong siglo ang mga mangangalakal na Tsino. Ang paglaganap ng mga bansang(kaharian) Budismo sa rehiyon ng Asya ang nagpasimuno ng kalakalan sa pagitan ng mga bansa sa Indonesia, India, Hapon, at Timog-Silangang Asya. Subalit, humina ang mga kaharian sa Timog-Silangang Asya dahil sa mahigpit na kompetisyon at hindi pagkakasundo. Samantala, ang paglaganap ng Islam sa pamamaraan ng komersyo at proselitismo, tulad ng Kristiyanismo, ang nagdala sa mga mangangalakal at misyonero sa rehiyon; ang mga Arabe ay dumating sa Mindanao noong ika-14 na siglo. Sa pagdating ng mga unang Europeo, sa pangunguna ni Fernando Magallanes (Ferdinand Magellan) noong 1521, mayroon nang mga rajah hanggang sa hilaga ng Maynila, na naging mga karugtungang-sangay ng mga kaharian ng Timog-silangang Asya. Subalit, pawang mga nagsasarili ang mga isla ng Pilipinas noon.
Sinakop at inangkin ng mga Kastila ang mga pulo noong ika-16 na siglo at pinangalanan itong "Islas Filipinas" na isinunod kay Haring Felipe II. Kaagad na ipinakilala at pinalaganap ang Katolisismo sa pamamagitan ng mga misyonero, at pati na rin ang mga Batas ng Indias (Laws of the Indies) at iba pang alituntuning pampatupad. Matigas na pagsuway ang itinugon ng mga grupong katutubo sa kabundukan pati na rin ng mga mapanlabang Moro na nagpapatuloy hanggang sa ngayon. Kabi-kabilang mga himagsikan at karahasan ang lumaganap sa mga baybayin sa kabuuan ng tatlong siglong pananakop, bunga na rin ng pag-aabuso at kakulangan ng reporma. Pinamahalaan mula sa Nueva España (Bagong Espanya sa ngayon ay Mehiko) ang bagong teritoryo at nagsimula ang kalakalan sa Galeon ng Maynila sa pagitan ng Acapulco at Maynila noong ika-18 siglo o dantaon.
Itinatag ni Gobernador José Basco y Vargas noong 1781 ang Sociedad Económica de los Amigos del País (Economic Society of Friends of the Country, "Samahang Pang-ekonomiya ng mga Kaibigan ng Bayan") at ginawang hiwalay ang bansa mula sa Nueva España.
Nagbukas ang ekonomiya ng bansa sa mundo noong ika-19 siglo. Ang pag-angat ng mga masigasig at makabayang burgis, binubuo ng mga edukadong katutubong Pilipino, mga Kastila at creole na ipinanganak sa Pilipinas, mga mestisong Espanyol at Tsino, silang mga ilustrado ang nagpahiwatig ng pagtatapos ng kolonyalismong Kastila sa kapuluan. Naliwanagan sa Kilusang Propaganda na nagsiwalat sa kawalang-katarungan ng pamahalaang kolonyal, sama-samang sila sumigaw para sa kalayaan. Inaresto, nilitis, binigyang-sala, hinatulan ng kamatayan at binaril si José Rizal, ang pinakasikat na propagandista, noong 1896 sa Bagumbayan [na ngayo'y Luneta] dahil sa mga akto umano ng pagpapabagsak ng pamahalaan. Naglaon at pumutok ang Himagsikang Pilipino na pinangunahan ng Katipunan, isang lihim na rebolusyonaryong lipunan na itinatag ni Andrés Bonifacio at napamunuan din ni Emilio Aguinaldo. Halos tagumpay na napatalsik ng rebolusyon ang mga Kastila noong 1898.
Noong taong ding yon, magkadawit ang Espanya at Estados Unidos sa Digmaang Kastila-Amerikano. Natalo ang Espanya at ipinasiya nilang ipasa ang kanilang mga kolonyang Pilipinas, Guam, Kuba, at Puerto Rico sa Estados Unidos. Binayaran naman ng Estados Unidos ang Espanya ng 20 milyong dolyar para sa mga ito, gayong nakapag-deklara na ng kalayaan ang Pilipinas.
Ang pagtanggi ng Pilipino sa panibagong pananakop, ngayon ng Amerikano, ang nagtulak sa Digmaang Pilipino-Amerikano na natapos umano noong 1901 ngunit nagpatuloy hanggang 1913. Sa wakas, ipinagkaloob noong 1946 ang kalayaan pagkatapos ng maikling pananakop ng bansang Hapon noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, pagkatapos ng huling pagkatalo ng bansang Hapon noong 1945. Ang huling pagbabalik ng mga pwersang Pilipino at Amerikano mula sa Pagpapalaya sa Pilipinas mula Oktubre, 1944 hanggang Setyembre, 1945.
Taon ng pagbawi at muling pagbangon pagkatapos ng giyera ang mga sumunod na taon, ng karahasan sa sibilyan dulot ng diktadurang Ferdinand Marcos na napatalsik noong 1986, at ng patuloy na suliraning dulot ng komunista at separatistang Moro.


Kilalanin naman natin ngayon ang iba't-ibang taong nagbigay karangalan sa ating bansang Pilipinas...

Jose Rizal

 

Si Jose P. Rizal (i. 19 Hunyo 1861 — k. 30 Disyembre 1896) na may buong pangalang José Protasio Rizal Mercado y Alonso Realonda, ay ang Pambansang Bayani ng Pilipinas na lumaban sa mga kastila sa pamamagitan ng kaniyang mga nobelang Noli Me Tangere at El Filibusterismo noong panahon ng pananakop ng Espanya sa bansa. May angking pambihirang talino, siya ay hindi lamang isang manunulat ngunit isa ring magsasaka, manggagamot, siyentipiko, makata, imbentor, iskultor, inhinyero, kuwentista, lingguwista, at may kaalaman sa arkitektura, kartograpiya, ekonomiya, antropolohiya, iktolohiya, etnolohiya, agrikultura, musika (marunong siyang tumugtog ng plawta), sining sa pakikipaglaban (martial arts), at pag-eskrima.




Lea Salonga

 


Si Maria Ligaya Carmen Imutan Salonga ay mas kilala bilang Lea Salonga. Ipinanganak siya noong 22 Pebrero 1971. Una siyang nakilala sa The King and I ng Repertory Philippines noong siya'y pitong taong gulang pa lamang. Sa edad na sampung taon, inirekord ni Lea ang awiting Small Voice. Iyon ang naging simula nang pagiging mabango ng kaniyang karera bilang isa sa mga sikat na aktres at mang-aawit sa Pilipinas. Nagsimula ang kaniyang katanyagan sa ibang bansa noong siya ay napiling gumanap bilang Kim sa tagumpay na musikal na Miss Saigon noong 1989.

Nagtamo siya ng mga gantimpala mula sa pinakarespetadong tagapaggawad ng parangal, at itinanghal bilang kauna-unahang Filipina na nagkamit ng Laurence Olivier, Tony, Drama Desk, Outer Critics Circle at ang Theatre World Award para sa natatangi niyang pagganap bilang Kim. Noong 1993, si Lea ay gumanap bilang Eponine, isang batang ulila sa Broadway production na Les Misérables. Si Lea rin ang umawit ng A Whole New World sa pelikulang Aladdin sa boses ni Princess Jasmine at Fa Mulan para sa Mulan at Mulan II noong 1998 at 2004. Ang tagumpay ni Lea sa Pilipinas at sa iba pang mga bansa ang siyang nagbukas ng oportunidad sa iba pang Filipino entertainers upang makilala at kinalaunan ay nag-alay din ng karangalan sa ating bansa.


Gloria Diaz

 




Si Gloria Aspillera Diaz o mas kilala bilang si Gloria Diaz sa mundo ng telebisyon at pelikula sa Pilipinas ay kinikilalang isang mahusay na aktres. Bago siya maging isang premyadong aktres, siya muna ay nakilala bilang kauna-unahang Pilipina na nagwagi at nakapag-uwi ng korona ng Miss Universe




Manny Pacquiao

 

Si Emmanuel "Manny" Dapidran Pacquiao, (ipinanganak ng Disyembre 17, 1978), ay isang Filipino na boksingero at pulitiko. Siya ay kilala sa palayaw na "Pacman". Siya ang kauna-unahang boksingero sa kasaysayan ng boksing na naging kampiyon sa walong pangunahing titulo sa pitong iba't-ibang klase ng timbang — Flyweight, Super Bantamweight, Featherweight, Super Featherweight, Lightweight, Light Welterweight and Welterweight. Siya din ang kauna-unahang boksingero na linyal na kampiyon sa apat na iba't-ibang klase ng timbang — Linyal na Kampiyon sa Flyweight, Linyal na Kampiyon sa Featherweight, Linyal na Kampiyon sa Super Featherweight at Linyal na Kampiyon sa Light Welterweight. Mayroong siyang nakakasirang kaliwang buntal na may kakayahang matapos ang isang laban sa isang iglap.
Si Pacquiao ang kasalukuyang Kampiyon ng WBO World Welterweight (Super Champion) at Kampiyon ng The Ring Junior Welterweight. Siya din ay naitala sa listahan ng The Ring,ESPN, Sports Illustrated, NBC Sports, at About.com bilang pinakamahusay at pinakamagaling na boksingero sa buong mundo.
Si Pacquiao ang dating Kampiyon ng IBO World Junior Welterweight, Kampiyon ng WBC World Lightweight, Kampiyon ng The Ring World Junior Lightweight, Kampiyon ng WBC World Super Featherweight, Kampiyon ng The Ring World Featherweight, Kampiyon ng IBF World Junior Featherweight at Kampiyon ng WBC World Flyweight. Siya din ay isang WBC Emeritus Champion, WBC Diamond Champion at WBO Super Champion.
Tinalo at pinatumba na ni Pacquiao ang mga boksingero na sina Chatchai Sasakul, Lehlohonolo Ledwaba, Marco Antonio Barrera, Juan Manuel Márquez, Érik Morales, Óscar Larios, Jorge Solís, David Díaz, Oscar De La Hoya, Ricky Hatton, Miguel Cotto



Genoveva Edroza Matute


 


Si Genoveva Edroza-Matute (3 Enero 1915 – 21 Marso 2009) ay isang premyadong kuwentistang Pilipino. Siya ay isa ring guro at may-akda ng aklat sa Balarilang Tagalog, na nagturo ng mga asignaturang Filipino at mga asignaturang pang-edukasyon.
Siya ay nagturo ng apatnapu’t anim na taon sa elementarya, sekundarya at kolehiyo, at nagretiro bilang Dekana ng Pagtuturo sa Dalubhasaang Normal ng Pilipinas (ngayon ay Pamantasang Normal ng Pilipinas) noong 1980. Pinarangalan siya ng Sentrong Pangkultura ng Pilipinas ng Gawad CCP Para sa Sining (Panitikan) noong Pebrero 1992
Maraming ulit siyang nagkamit ng Gawad Palanca, tulad ng kilalang Kuwento ni Mabuti, na nanalo ng kauna-unahang Gawad Palanca para sa Maikling Kuwento sa Filipino. Kasama rin sa mga kuwentong nanalo ng Gawad Palanca ay ang Paglalayag sa Puso ng Isang Bata noong 1955, at ang Parusa noong 1961.
Ilan sa mga naging aklat niya ay ang Mga Piling Maiikling Kuwento ng Ateneo University Press; ang Tinig ng Damdamin, katipunan ng kanyang mga piling sanaysay, ng De La Salle University Press; at ang Sa Anino ng EDSA, maiikling kuwentong sinulat niya bilang National Fellow for Fiction, 1991-1992, ng U.P. Press.
Namatay siya noong 21 Marso 2009 sa edad na 94.



Philippine All Stars

 



Ang Philippine All Stars ay binuo noong 2005 ng apat na magkakaibigang ginustong katawanin ang bansa sa World Hip-Hop Championships na ginanap sa US. Ito ay matapos nilang makamit ang unang gantimpala sa Maximum Groovity II, National Hip-Hop Open. Sila'y nagtagumpay bilang pang-anim na gantimpala sa World Hip Hop Championship. Ang All Stars ay nagpasikat sa Pilipinas ng larangan ng hip-hop, at naging unang grupo mula sa Asya na nanalong back-to-back World Gold titles sa International Hip-Hop Open d’Ítalia sa Turin, Italy at sa World Hip-Hop Dance Championships sa Los Angeles, California. Sa sumunod na taon, nakamit ng grupo ang Bronze sa kompetisyong iyon at nanalo ring "Team of the Year" sa V.Ent’s First Annual Dance Awards. Ngayon sa 2008, malakas silang bumalik at nakuha ang Gintong gantimpala sa World Hip-Hop Dance Championships na ginanap sa Las Vegas, Nevada.
Nilalayon ng grupo na ipabuti ang istado ng mga mananayaw sa Pilipinas, dahil napatagal na ang pagtrato sa kanila bilang segunda klaseng tagapalabas. Sa pagsisikap nila at ng iba pang talentado, nais nilang ipakita na ang pagsayaw ay isang mahusay na anyo ng sining at nararapat na mas galangin at gantimpalaan kaysa sa kasalukuyang ibinibigay ng industriya ng pag-aliw. Sila ay nakikibahagi sa isang kilusang nagsusumikap na mapagsama at magsilbing inspirasyon sa kasalukuyang henerasyon sa pamamagitan ng Pananampalataya, Hip-Hop, at Isang Pag-Ibig (One Love). Panghuli, isa pang layunin ng grupo ay makapagturo at makatulong sa mga batang nangangailangan sa pamamagitan ng pagsayaw at sa pagiging inspirasyon sa kanila upang sila ay magsikap na makamit ang mas higit pa sa kanilang nasabing kakayanan. Ang Allstars ay sumusuporta sa Gawad Kalinga, sila’y nakapagturo sa mga outreach programs ng US Embassy tulad ng Pathways Workshop at Walk for Education. Ang Allstars ay naitampok na sa maraming kaganapan, konsiyerto, mga tour, paglabas sa telebisyon, patalastas, music videos, pelikula, at mga print ad.
Noong Pebrero 2010, nagbukas sila ng paaralan, ang Allstars Dance School sa lungsod ng San Juan, Pilipinas. Ang paaralan na ito ang kanilang pinakamalaking tagumpay para sa kanila ngayon.


Tunghayan naman natin ngayon ang iba't-ibang lugar, hayop, pagkain at marami pang iba sa saliw ng isang awitin ang mga ipinagmamalaking yaman ng bansang Pilipinas...




Mga Sanggunian:


http://tl.wikipedia.org/wiki/Pilipinas
http://www.philsite.net/images/philippine_map.jpg
http://fil.wikipilipinas.org/index.php?title=Jose_Rizal
http://fil.wikipilipinas.org/index.php?title=Lea_Salonga
http://biograpiya.blogspot.com/2009/11/gloria-diaz.html
http://tl.wikipedia.org/wiki/Manny_Pacquiao
http://tl.wikipedia.org/wiki/Genoveva_Edroza_Matute
http://tl.wikipedia.org/wiki/Philippine_All_Stars
http://www.youtube.com/watch?v=ABohDdXy0Pc&feature=related
http://www.youtube.com/watch?v=oRWy5p9YzKI




1 comment:

  1. Asian Handicap Odds - Ford edge Titanium for sale - TITanium
    The popular Asian titanium tv apk Handicap Odds from is titanium lighter than aluminum TITaniumArt and AsiaBookie titanium dental implants and periodontics are updated regularly, offering a range of sunscreen with zinc oxide and titanium dioxide Asian handicap ray ban titanium odds from 100% - 100.00 to

    ReplyDelete